Ikinabit sa deklarasyon ng pagtakbo ni Fernando Poe Jr. noong ika-26 ng Nobyembre ang biglaang pagbagsak ng piso nang sumunod na araw. O baka minalas lamang siya dahil sa noo’y inaasahang pagpapababa ng Moody’s Investor Service sa ratingsnito sa bansa. At sa kanya rin isinisi ng ilan ang pagbagsak ng piso na idinulot ng pagbibitiw ni Kalihim Jose Camacho ilang araw pagkatapos.
Nangangatog na diumano ang merkado—na balwarte ng tinaguriang business community ng bansa—simula pa nang uma-ali-aligid ang ideya ng pagtakbo ng aktor sa pagkapangulo. At hanggang ngayon ay tagtuyot ang bulsa ng mga mamamayan.
Kung bakit inisisisi kay FPJ ang kaligirang nangyayari sa ating ekonomiya ay dahil sa isa siyang sikat na aktor ng puting tabing, tulad ng pinatalsik na mandarambong na pangulo—ang kanyang matalik na kaibigan—si Erap. Natatakot ang mga mamumuhunan at iba pang sektor ng lipunan sa pagkakaroon ng panibangong Erap.
Umabot na nga sa dahilang “eh, mayaman na yan, kaya di na kailangang mangurakot.” ang isinasagot ng mga maka-FPJ sa naunang paratang. Dagdag pa dito, “wala siyang karanasan sa gobyerno kaya hindi mangungurakot iyan.”
Sa ating mga kababayang sawa na sa mga trapo tulad ni Roco (oo, kahit na binihisan siya ng mabulaklaking suporta ng kabataan), mga mala-militar tulad ni Lacson (na nakakabit pa sa iba’t ibang mga iskandalong krimen), at mga tuta ng makakapangyarihan tulad ng ating kagalang-galang na pangulo, wala na nga ‘yatang tagapagligtas kundi ang Panday.
Tila naging pihikan ang Lawin sa mga pampublikong pagpapakita—partikular na ang dapat sana niyang pagharap ng ekonomikong polisiya sa business community at maging sa mismong paghirang sa kanya bilang kandidato ng koalisyong oposisyon—hanggang sa dumating ang ika-12 ng Disyembre, nang mabalitaang nakipagpulong siya sa mga pinuno ng mga militanteng grupong-magsasaka.
Hindi siya natuloy sa kumbensyong idinadaos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at iba pang ka-alyadong samahan sapagkat kinakailangan na niya diumanong umalis noon. Gayumpaman, isang mito lamang ang magagawang dikitan ng unlaping “ka” ang pangalan pagkatapos ng isang oras na pag-uusap lamang.
Nanindigan ang Panday laban sa globalisasyon sa isang oras na pakikipag-usap niya sa mga militanteng magsasaka. Aniya (ayon siyempre sa kanyang spokesperson Sen. Tito Sotto), nanindigan ang Panday para sa mga magsasaka laban sa liberalisasyon ng kalakalang agrikultural. Dagdag pa niya, hindi dapat lumahok ang Pilipinas sa malayang kalakalan hangga’t hindi pa ito handa.
Akala ko ba walang alam si FPJ?
Mukhang nahuhulog na nga ang loob ng ilang mga grupong maka-kaliwa sa bayani ng takilya. Ngunit ito ba ay dahil sa ginawang paninindigan ni FPJ, o dahil inaabangan na lamang ang kanyang pagka-panalo?
Hindi sa isinusulong ko si FPJ. Ngunit sa mahabang panahon na wala nang magandang nasabi tungkol sa kanya, bigyang-halaga naman natin ang ilan niyang katangian: baguhan sa pulitika, may ipinapakitang sinseridad, at higit na matalino ‘yata sa kaibigan niyang si Erap.
Oo, tila malinis nga si FPJ, ngunit ang mga taong nagsusulong ng kanyang kandidatura ang silang dapat nating problemahin. Alam kasi ng mga taong ito na kapag sila ang tumakbo, malamang hindi sila mananalo. Mukhang pakikinabangan siya nang husto, sapagkat wala nga siyang karanasan sa pulitika.
muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong Linggo, ika-14 ng Disyembre, 2003, bandang 11:30 n.g..
mga komento sa enetation [
] at sa haloscan []
[tula] Programa ng Pamahalaan para sa Maralitang Taga-Lungsod
isyu bilang 21
Programa ng Pamahalaan para sa Maralitang Taga-Lungsod
Paano natin lulutasin ang gutom? Madali lang.
Kumuha ng kangkong sa sapang nilason, at gisahin mo
kasama ng galunggong na ibinabad sa asing sinala sa dagat
na maitim. Sahugan pa ng kamatis na nilunod sa pestesidyo
at palanguyin sa sukang paombong na hitik sa mikrobyo.
Ito ang pampurga natin sa mga tiyang kumakalam.
Karapatang-ari ni Kapi Capistrano, 2004
muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong Martes, ika-11 ng Nobyembre 2003, bandang 03:36 n.u..
mga komento sa enetation [
] at sa haloscan []
[kolum] Silang mga Mani
isyu bilang 20
Ang latest: nagmamalinis na naman ang Pangulo.
Naghugas-kamay kamakailan lamang si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ukol sa pagbibigay ng order to kill sa dating hepe ng Air Transportation Office Panfilo Villaruel at Tinyente Ricardo Catchillar ng Hukbong Pangkaragatan—mga nag-hostage sa control tower ng Ninoy Aquino International Airport simula hatingabi ng Biyernes, ika-7 ng Nobyembre.
Heto na nama’t naghahating-dila si Gng. Arroyo. Noong Sabado, pagkatapos ng pagpaslang sa dalawang dating opisyal ng establisyimento, pinuri niya ang mabilisan at tiyak na kilos ng Aviation Security Group upang muling mapasa-balwarte ang naturang maselang instalasyon. Aniya, “Nothing will ever justify the taking over of an international control tower and prejudice the lives of air passengers. There can be absolutely no excuse to terrorize the public in this manner."
Kagabi lamang, ibinalita nga ang pagpo-Pontio Pilato ng Pangulo. Hindi daw sa kanya diretsang nanggaling ang utos na patayin ang dalawang sumakop sa control tower, at discretion na ito diumano ng ASG. Ngunit teka lang: hindi ba’t may command responsibility ang Pangulo?
Natatanging mani (o lone nut) ang dalawang sumakop sa control tower noong Biyernes ng hatinggabi. At tulad ng ginawa sa Magdalo, minani din sina Villaruel at Catchillar. Oo, vital installation ang control tower, ngunit natatanging maning insidente ito, at mismong Pangulo ang nag-anunsyo na walang natiktikang paggalaw ng mga tropa nang walang utos.
Sa kasawiang palad—at malaki rin ang pagkakasala dito ng mainstream na media—lumabas na konektado ang insidenteng ito sa bali-balitang may isang dating Commodore ng Hukbong Pangkaragatan na naghahagilap ng puwersa para maglunsad ng kudeta at magtayo ng hunta-militar. Bagamat naaaninag ko kung sino ang Commodore na ito, sinasabi ng kalahati ko na hindi ito ang isyu, at ang mga ‘mani’ ang siyang nararapat pag-usapan (ano’ng kalahati?).
Ayon sa mga salaysay, may pagka-emosyonal ang dahilan ng paglusob ng dalawa sa control tower, lalo na si Villanueva: (isa sa mga ‘kasalanan’ ng media? O ng nilalaman nito?) napanood niya sa Debate sa GMA7 ang Pangulo at namumutiktik sa pagka-hipokrito ang laman ng dila niya.
Sa kahabaan ng pangho-hostage—tulad muli ng sa Magdalo—idinadahilan ni Villaruel na ang talamak na katiwalian sa pamahalaan at ang pagbubulag-bulagan ng mga opisyal ng establisyimento ang siyang nagtulak sa kanya para gawin ang aba’t desperadong kilos. Ngunit dahil hindi niya maipaliwanag pa ang dahilang ito, mahihinuhang hindi ito ang pangunahin niyang dahilan: higit pa rito ang kanyang kahoy na eroplano at helicopter na inimbento niya para sa Hukbong Pang-himpapawid, na inetsa-puwera naman ng pamahalaan natin.
Ang bali-balita pa nga ay kinarne ang dalawang imbensyon niya kung saan nakaimbak ang mga ito. Sino ba naman ang hindi maghuhuramentado sa ganitong sitwasyon?
Paumanhin kay Villaroel (sumalangit nawa), ngunit ang ‘mababaw’ na insidenteng ito ay pinalaki nang pinalaki ng mga awtoridad—kesyo may mga darating pa dapat diumanong mga tropang kampi sa kanila na naduwag, kesyo mapapahamak ang mga foreign investor na nakasakay sa mga eroplano noong mga oras na iyon, keyso hindi papatawarin ng pamahalaan ang terorismo—samantalang kasong pang-pulis lamang sana ito. Kung inaalala ng pamahalaan ang mga “pasahero,” ligtas naman silang nakalapag—hindi nga lang sa Maynila.
Lumabas mang may sayad si Villaroel, ito lamang ang masasabi ko: isa siya sa mga nagpaka-mani para marinig. At marami nang magiting na mani sa ating kasaysayan. Simulan natin ang paglilista kay Tamblot...
muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong Martes, ika-11 ng Nobyembre 2003, bandang 3:30 n.u..
mga komento sa enetation [
] at sa haloscan []
Ika nga ni L.A. Lopez, "ako ay nagbalik..."
isyu bilang 19
Mabuhay! At nabuhay muli ako pagkatapos ng isang siglo. Paumanhin sa mga tagasubaybay (iilan na nga lang sila, nawala pa) sa hindi ko pagsusulat ng komentaryo sa mahabang panahon. Isa lang ang alibi ko: Tesis. At oo, kawalang-gana na rin.
Ngunit heto muli ako't nagka-gana. Tulungan ninyo akong mapanatili ito
Oo nga pala, may mga pagbabagong mangyayari sa "Langaw sa Isang Basong Gatas." Bukod sa pseudo-environmentalist na disenyo, hindi lamang komentaryo at satiriko ang isusulat ko dito. Nawala na rin kasi ang writer's block ko, so maglalathala na rin ako dito ng mga tula ko. So sa mga naghahanap ng tula ni Ka Amado riyan, may tula na! Hindi nga lang kanya.
O sige, hihintayin ko na lamang ang mga komento ninyo, ka? Magbasa kayo dito nang maratratan (ng komentaryo)!
S.T.P.
muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong Martes, ika-11 ng Nobyembre 2003, bandang 3:24 n.u..
mga komento sa enetation [
] at sa haloscan []
isyu bilang 18
NANG MAY IKATLONG ARAW, NABUHAY NANG MULI.
Abangan...
muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong ika-24 ng Setyembre 2003, bandang 10:47 n.g..
mga komento sa enetation [
] at sa haloscan []
langaw sa isang basong gatas ikalimang bersyon
(halaw sa maikling kuwentong "langaw sa isang basong gatas" ni ka amado v. hernandez ang pamagat nitong online kolum)
kapi a.k.a. francis yerro capistrano, lalaki,
bente-uno anyos, taga-lungsod quezon, nag-aaral ng pamamahayag at estudyanteng mamamahayag. ikaapat na taon sa
ateneo, bagkus isang taon na lang ang pagtitiis sa piling ng mga burgis. kilala rin bilang "kulot salot," hindi
naman talaga ipinanganak na kulot si kapi, ngunit nangulot lamang sa init ng ulo dahil sa mga kabuktutang
nangyayari sa lipunan, bukod sa mga utak-biyang pumapalibot sa kanya sa pamantasan. feeling niya taga-
up siya kung umasta sa kampus, pero lumalabas ang pagka-atenista sa up. hindi niya alam kung bakit. siya rin
ang kasalukuyang punong patnugot (editor-in-chief) ng matanglawin, ang opisyal na pahayagang
pilipino ng pamantasang ateneo de manila. at ang websayt na ito ang kanyang online kolum, kuno.
nagpapaumanhin din sa mga tagasubaybay nitong online
kolum--kung meron man--sapagkat dalawang buwan na itong hindi nadapuan muli ng langaw. bagamat marami ngang ginagawa, oo,
kalakip na rin ang katamaran sa mga ito.