langaw sa isang basong gatas
Tsap Suy # 2 isyu bilang 6 Kabutihang-loob na marahil siguro ni Gloria na huwag nang tumakbo sa 2004. Bagamat maaari ngang pampataas ng kanyang lumalagpak na popularidad ang deklarasyong ito, mayroon pa ring bahid ng sinseridad ang pag-atras niya sa 2004. Pero masdan ang kanyang mga ka-partido: Sinabi na nga niyang ayaw na niyang mamulitika, heto't bira pa rin sila nang bira. Sa loob mismo ng Lakas-CMD (Nagpalit na raw sila ng pangalan: Christian-Muslim Democrats na raw sila, bahid ng unyon ng dalawang relihiyon), watak-watak ang mga miyembro sa kung sino ang magiging standard bearer nila. Pambato ng ilan si Roco, ang ilan naman kay FVR, at sa ilan pang 'tradisyonal' na pinuno ng partido. Kumagat pa pati ang oposisyon. Sabi ng ilan, kung tatakbo si FVR, papatakbuhin nila si Erap. At nariyan si Angara, Lacson, at ang "Lawin" (i.e. FPJ). Sabungan talaga, at tulirong kristo si GMA. Hay nako. Sinabi na ngang tumigil na, ayaw pang pasuway. Ang titigas talaga ng mga ulo. GMA: "Grrr..." (the presidential temper) * * * Permanente na ang leave of absence ni Nani Perez sa DOJ. Ayon sa kanya, pinagkaisahan raw siya ng mga masasamang puwersa. Bagamat hindi pa nahuhusgahan, o napapatunayan man lang, na nangurakot nga siya ng dalawang milyong dolyar mula kay Mark Jimenez, nawalan na raw siya ng mukha sa Pangulo. Parang si Banez at si Roco noong nakaraang taon. Oh well, aminado naman si Nani na tagahanga siya ni Roco: gusto pa nga niyang tumakbo ang nahuli sa 2004. * * * Binigyan ng facelift ng kung sino mang may lakas ng loob ang dating diktador Makoy Marcos noong ika-29 ng Disyembre, bisperas ng Rizal Day. Pulitikal man o ekonomikal (i.e. mga treasure hunter) ang motibo, isa nga naman itong kabayanihan. Sang-ayon ang lahat ng nag-komentong opisyal ukol dito (liban na lamang, siyempre, sa mga loyalista) na tanda ang kilos na ito ng malalim-na-pagkakatanim-na-galit sa umiral na pasismo at sa gutom-sa-kapangyarihan nitong personipikasyon. Nagkaisa ang mga rebelde't reaksyonaryo: wakasan na ang pag-iral ng karahasan ng diktaduryang Marcos sa kasalukuyang panahon. Ang sa mga progresibo, wakasan na ang paghihirap ng mga mamamayan. Ang sa mga pulitiko, wasakin na nang tuluyan ang rebulto: pangit na kasing tingnan Huwag sanang gamiting pundasyon ng Strong Republic ang naiwang pundasyon ng rebulto. * * * Here's the latent latest: nagpalit na ng pangalan ang naghaharing partido: Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) na ang dating Lakas-National Union of Christian Democrats (Lakas-NUCD). Pero kung ano ang higit na nakabaon, hindi 'ata magbabago: Idinamay pa ang mga Muslim nating kapatid. What can I say? They don't get laid that much, not as much as Gloria. muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong ika-5 ng Enero, 2003, bandang 11:45 ng gabi. mga komento sa enetation [ ] at sa haloscan [] ___________________________________________________________________________________________________________________________________ (Kolum # 2) Nakapanghihinalang Pagkakaisa isyu bilang 5 pasensya na kung nahuli itong ikalawang kolum ng tatlong araw. hinintay ko kasi ang tugon ng NDF at ng MILF sa imbitasyon ng pamahalaang Arroyo sa kanila, at sa oposisyon, upang lumahok sa sinasabi nilang government of unity. Ilang araw matapos i-deklara ng Pangulo na hindi siya tatakbo bilang Pagulo para sa halalan sa 2004, naging matunog ang proposisyon ni Speaker de Venecia upang magtatag ng isang government of unity, kung saan tila magkakaroon ng power-sharing agreement ang naghaharing partido sa mga oposisyon, reaksyonaryo man o rebolusyonaryo. Sa pagbibigay-pahintulot ng Pangulo sa proposisyon, mabubuo na diumano ang 'pamahalaan ng pagkakaisa' sa loob ng 45 araw. Patok na patok sa pagpasok ng bagong taon ang dalawang balitang ito, sapagkat tila nagkakaroon na ang pamahalaan natin ng political will upang mapagkaisa ang ating watak-watak na pulitika upankg bumuo ng isang bagong pulitika, na siyang islogan noon ng People Power Coalition sa senatorial elections matapos mapatalsik ang dating Pangulong Estrada.
Ika nga mismo ng Pangulo sa deklarasyon niya ng pag-atras sa halalan, "If I were to run, it would require a major political effort on my part. But since I am among the principal figures in the divisive national events of the last two or three years, my political efforts can only result in never-ending divisiveness."
Ito rin ang tema ng kanyang pagpahintulot sa pamahalaan ng pagkakaisa: Imbes na tutukan ang pamumulitika at higit pang gawing watak-watak ang mga pinuno ng bansa, kailangan nang magkaisa upang higit na pagbutihin ang pamamahala at kundisyon ng pamumuhay ng mga mamamayan. Nakakaiyak ang ganitong sentimiyento, hindi lamang dahil sa tila bukal nga sa puso ng Pangulo ang pagkaisahin ang bayan, ngunit lalo na dahil sa pagiging ka-hina-hinala ng ganitong kilos. May iba pa bang motibo bukod sa pagkakaisa ng bayan? Isa pa palang nakakaiyak na sitwasyon: kawawa naman si Linggoy Alcuaz, dahil pinapasimunuan pa lang niya ngayon ang panibagong punctuation mark campaign, na mukhang maaantala dahil sa proposisyong ito. Una, kabalintunaan ang pagtrato ng Pangulo sa mga Pula noong nakaraang taon at ngayon pagpasok ng 2003. Noong nakaraang taon, marahas ang pakikitungo ng kanyang pamahalaan sa mga rebolusyonaryong komunista (i.e. CPP-NPA-NDF). Bukod sa hindi pagde-deklara ng ceasefire sa kanila noong Kapaskuhan, tinotodo nito ang pagdeklara sa kanila bilang isang teroristang grupo, at nagtagumpay pa ang pamahalaan na makuha ang suporta ng Estados Unidos at ng European Union dito. Ngayon, iniimbitahan nila ang NDF, sa persona ni Joma Sison, na lumahok sa pamahalaan ng pagkakaisa, at iniimbitahan pang magkaroon ng posisyon sa Gabinete. Kung tila mauuwi sa isang puwersahang pagpirma, sa pamamagitan lamang ng mga back-channel talk ng isang peace agreement ang mga Pula, na pamahalaan lamang ang sumulat, ngayon, mismong si Joma ay naaaninag ang pagbabalik ng pormal na negosasyon. Ngunit tinanggihan ni Joma ang imbitasyon. Mukhang ayaw niyang makihalubilo talaga sa mga 'reaksyonaryo,' at mukhang gusto niyang mauna ang peace talks bago ang power-sharing agreement. Baka kasi set-up lang ang proposisyong ito upang madurog na sa wakas ang rebolusyon. Ayon pa nga sa Tagapagsalita ng CPP na si Ka Roger Rosal, "nonsense loose talks and plain gimmickry" lamang ito ng pamahalaan. Ikalawa, pansining noong nakaraang taon pa nililigawan ng Pamahalaan ang Oposisyon, halata sa pagkaka-luklok kay Senador Ople bilang kalihim ng DFA. Ngayon, nakikitang kinikilig si Senador Angara, at ang pinamumunuan niyang LDP, sa ganitong proposisyon. Isinusulong pa ng naghaharing partido ang house arrest para kay Erap. Pampatahimik nga lang ba ng oo-nga't-nakakairita-ngunit-instrumental-sa-demokrasyang oposisyon? Ikatlo, pansinin ang mga kinikilos ng mga sariling ka-partido (o mga ka-koalisyon, para maging higit na tumpak) ng Pangulo. Sinusuyo ng ilan ang dating Pangulong Ramos na tumakbo sa 2004 at maging standard bearer ng Lakas-CMD. Kasalukuyang mainit ang mga debate sa Ang ilan naman, isinusulong ang Parliyamentarismo-Pederalismo sa bansa. One word (actually, two, hyphennated): Cha-cha. Nadulas pa nga yata si de Venecia: "She just wants an effective, all-embracing successful government because she will be its leader." For how long? Ako mismo, gusto ko ng cha-cha (pero hindi sa mga seksyon sa eleksyon at sa uri ng pamahalaan). Gayunpaman, huwag muna ngayon: hindi pa nagkakaisa ang pamahalaan, at pinepeste pa ito ng mga trapo. Magiging obheto na naman ito ng nakakairita nang pamumulitika nila. Tulad ng mga pagninilay-nilay noong nakaraang taon sa kung anong uri ng Strong Republic ang nais itatag ni Gloria, nakakapagtaka ngayon kung anong uri at paano isasagawa ang Government of Unity: sa pamamagitan nga ba ng pagdinig sa lahat ng panig, o sa pamamagitan ng koersyon? Isa nga ba itong pagpapatatag Strong Republic, o higit pang magpaparupok dito? As of press time, hindi pa buo ang proposisyon, at hindi pa nagkakasundo ang Pangulo at si de Venecia ukol sa mga detalye nito. Ngunit nagkakasundo naman marahil ang lahat sa ispektrang pulitikal ng bansa na maganda nga ang ideya ng isang nagkakaisang pamahalaan, na salat sa pamumulitika at hitik sa paglilingkod sa kapakanan ng mga mamamayan. Simula na ba ito ng isang bagong pulitika, o bagong pamumulitika? Kailangang subaybayan ito ng mamamayan. muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong Linggo, ika-5 ng Enero, 2002, bandang 1:20 ng umaga. mga komento sa enetation [ ] at sa haloscan [] ___________________________________________________________________________________________________________________________________ Tsap Suy # 1 isyu bilang 4 NGAYON, nakakaawa na talaga si Mark Jimenez, sa wakas. Naipakita naman niya sa media na kay dami niyang hirap na dinaanan. Noong natutunugan na niyang matutuloy na ang ekstradisyon niya, kay laking abala pa sa kanya ang gawing ka-konstaba si Rep. Willie Villarama para magpalabas sa Kamara ng mga trailer sa parating na pelikula (mas maigi sigurong sabihing 'sirkus') na pinamagatang "The Million Dollar Man." Malamang, uminit ang mga puwit ng mga Kongresistang walang ginawa kundi umupo sa de-erkong Kongreso. At nag-aral pa si MJ ng acting: maganda nga naman ang mga impromptu niya tungkol sa kanyang na-ha-harrass na 'family' at kanilang 'christmas spirit'. Marunong na rin siyang mamili ng kostyum: humarap siya sa media isang araw na mukha talagang dugyutin. Ni hindi man lang nagsuklay o nagpalit ng pantulog. Hanep, epektib nga! biruin mo, napa-leave nang di-oras si Nani Perez, at sumabit pa si Mark Escaler. Pero sorry, MJ, hindi umubra ang paborito mong debating style na argumentum ad misericordiam sa mga US Marshalls. Hah! Mas box office daw ang pelikula nila kaysa Million Dollar Man mo. Hanggang Guam ka na lang daw, at niligaw pa sina bespren Pichay at Villarama para hindi ka makasama. Huwag ka sanang matagpuan ng Latin Mafia. Marami ka pang kasong haharapin. * * * TATAAS daw ng piso kada litro ang presyo ng petrolyo pagsapit ng Enero. So, ano'ng bago? Eto raw: bukod sa magpakailanman-siya-nawang monopolistikong pag-iral ng OPEC, tataas ang halaga ng mga produktong petrolyo dahil sa kailangang matupad ng mga kompanya ng langis dito sa bansa ang mga iniaatas ng Clean Air Act para sa 2003, yung mga tipong low lead, at kung ano pang mga che-che-bureche(mical). Kaya heto na naman ang kabulastugan ng mga deregulated na public utilities: ipasa sa mga konsyumer ang mga gastos! FVR, kung hindi ka pa minumulto ng sarili mong mga halimaw (i.e. deregulasyon, PPA, ect), ewan ko na lang. * * * (Hindi naman ako rehistrado sa KBP o kung ano pa mang self-censorship na mga unyong pang-media, kaya may kalayaan pa rin akong sabihin ito:) FOOKIEN-ANKH-INANSH! BAKIT HINDI NA-NOMINATE SI LUALHATI BAUTISTA SA FILMFEST??? Sa mga hindi inabutan ang dekada setenta (tulad ko, pero hindi ako clueless tulad ng mga may wooden tambayan sa harap ng Caf), Si Lualhati Bautista ang premyadong manunulat na sikat sa mga nobela niyang "Gapo," "Bata, Bata, Paano ka Ginawa?" at "Dekada 70." Ang huling dalawa sa mga nabanggit ay naisa-pelikula na, at nakasalang sa kakaraos lamang na Filmfest ang Dekada 70. Ayos lang sana kung higit na magagaling ang mga katunggali sana ni Lualhati Bautista sa Best Story at Best Screenplay. Pero Lastikman? Lastikman pa ang na-nominate? Sayang, dahil paborito pa naman ng mga kritiko ang pelikula. Tsk tsk. Kaya nananatiling olats ang film industry ng bansa. Tsk tsk. muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong ika-29 ng Enero, 2002, bandang 1:15 ng hapon. mga komento sa enetation [ ] at sa haloscan [] ___________________________________________________________________________________________________________________________________ (Kolum #1) Buwis sa Text isyu bilang 3 una sa lahat, gusto kong magpaumanhin sa mga nag-aabang (kung mayroon man) sa unang labas ng online kolum na ito. sana may mapulot naman kayo. maglagay lamang ng mga komento/suhestyon/reaksyon kung nararapat lamang (mas mainam kung sa comment script kaysa tagboard para magaroon naman ng 'open forum' kuno kada isyu). alam kong mainit ngayon si mark jimenez, pero kulang lang siya ng pansin, kaya hindi ito ang papansinin natin ngayon(tignan ang pamagat. kitams? hehe). bad trip, sobrang kulang siya sa pansin, nalagay pa ang litrato niya sa front page ng mga pahayagan, kahit nakapantulog lang siya at sobrang dugyutin. ika nga ng mga heswita, 'ad misericordiam dei gloriam.' mabuhay ka, mark jimenez. ugh, another one of those ateneans... Noong ika-17 ng disyembre, matapos ang kanilang post-program monitoring, iminungkahi ng IMF sa Pangulo na mag-lobby sa Kongreso na magpasa ng isang batas na magtatakda ng karampatang buwis (excise tax) sa mga text messages. Lohikal diumano ang ganitong pagbubuwis, lalo na ngayong higit na tumataas ang inaasahag budget deficit, at lalo na ngayong mababa pa rin ang tax effort ng BIR (tinatayang 9.8% ng GNP ng bansa ang kasalukuyang tax effort.
Oo, tila lohikal nga ang ganitong mungkahi. Una, ayon sa mga komputasyon ng IMF, tinatayang aabot sa 44 na bilyong piso bawat taon ang kita ng mga telecoms sa text. Tinatayoang may 14 na subscriber ng cellphone sa bansa, at nagpapadala ng walo hanggang 10 text araw-araw. Kung itutuloy ang sipnayan, maaaring umabot sa higit sa 2.2 bilyong piso taon-taon ang maaaring kitain ng pamahalaan sa pagbuwis ng 5% sa text. (Pansinin ang maling pag-uulat ng media dito: imbes na ang 2.2 bilyon ang iniuulat na kita ng pamahalaan sa text, iniulat nilang, o ipinamukhang, 44 bilyon ang kikitain, samantalang iyon ang tinatayang kikitain ng mga kumpanya sa industryang iyon. Gayun pa man, malaki-laki ring tulong ang 2.2 bilyon sa lumalalang budget deficit.). Sa katunayan, matagal nang ipinanukala, hindi lamang ng IMF, ang ganitong pagbubuwis. Ayon nga sa IMF, laging sinasalubong ng protesta ang bawat pagpanukala nito, hindi lamang ng publiko kundi maging mga pulitiko. Ngunit hindi yata nakikita ng IMF ang dahilan kung bakit ito sinasalubong ng protesta. Tila mali yata ang interpretasyon ng IMF sa mga istadistikang nakalap nila. Bagamat, oo, may 14 milyong subscriber ng cellphone, at malamang higit pa dahil sa underground economy ng mga nakaw na cellphone, ni hindi nila yata napansin ang income bracket ng mga gumagamit ng cellphone. Hindi natin masasabi, sapagkat wala tayong hawak na istadistika, na karamihan sa mga may cellphone ay mga wage earner din, at may bahagi rin sa kanila ang kumikita ng minimum wage. Posible ring nabilang lamang nila ang mga line subscriber at hindi ang mga naka-prepaid. Oo, texting capital nga tayo ng mundo, ngunit imbes na ibig sabihin noo’y mayaman ang mga mamamayan sa kasalukuyan, naging pangangailangan lamang ang cellphone sa kasalukuyan bagamat hindi totoong higit na mayaman nga ang mga mamamayan ngayon. Maaari nga namang makatuwiran ang pagbubuwis na ito: mangyari lamang na huwag sa mga konsyumer ipasa ang buwis, bagkus ay sagutin ng mga kompanyang telecoms. Kung hindi kayang pagbutihin ng mga kompanyang ito ang serbisyo sa kanilang mga subscriber, eh di ibigay na lamang nila ang bahagi ng kanilang kita sa pamahalaan. Nakatulong pa sila. Gayunpaman, hindi lamang ang text ang lohikal na buwisan ngayon. May mga mungkahi na buwisan na lamang ang propesyonal na sektor (at napansin din naman ito ng IMF: tanggalin ang exemption ng sektor na ito sa VAT. Ito marahil ang higit na makatuwiran: makasisiguro ang pamahalaan na hindi ang mga na-exempt na nila (sa pamamagitan ng income tax) ang mga maliliit lamang ang kita ang nabibigyan nila ng karagdagang buwis, kundi ang may tinatayang malaki ang kita. Bukod doon, bakit hindi na lamang higit na pag-ibayuhin ang pagbubuwis sa mga negosyante at mga negosyong ‘pumupuslit’ ng buwis? Usisain ang mga accounting practice na nagpapabawa sa income tax ng mga ganitong negosyante at mga kumpanya. Paigtingin ang pagsingil, lalo na sa mga tax evader. At huwag palampasin ang mga tinaguriang ‘charity donations.’ Mahirap, pero ito sa palagay ko ang higit na long-term na pagpapaigting sa tax effort ng BIR. (Malaya kayong magbigay ng inyong mga reaksyon at mga komento sa comments script) muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong ika-26 ng Disyembre, 2002, bandang 01:07 ng madaling araw. mga komento sa enetation [ ] at sa haloscan [] ___________________________________________________________________________________________________________________________________ halo-halo isyu bilang 2 una sa lahat, hindi ko mapagana ang comments. mahal, tulong naman oh! :) ikalawa, sa bigat ng trabaho ko ngayon sa pamantasan (12 units sa ateneo, 6 sa up, 21 sa matanglawin), hindi ko 'yata kakayaning araw-arawin ang kolum na ito. pasensya na. :) pipilitin kong lingguhan ang kolum, at lalabas tuwing linggo ang mga bago isyu. kung may biglang lumitaw na mahalagang isyu, halimbawa, nagpa-lyposuction si mark jimenez, at medyo uminit ang ulo ko sa pagkakataong iyon, pihadong mapapaaga hindi lang ang analysis kundi ang 'paghambalos' (bashing). hehehe. iinog pa rin naman ako sa code of ethics ng mga dyornalist, huwag kayong mag-alala. magkita-kita ulit tayo sa linggo. s.t.r., kapi muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong biyernes, ika-13 ng disyembre, 2002, bandang 11:15 ng gabi. mga komento sa enetation [ ] at sa haloscan [] ___________________________________________________________________________________________________________________________________ pambungad isyu bilang 1 kamusta? naisipan ko lang na mag-blog sa wakas. tingnan natin kung uubra... ano ba ang motibo ko para sa blog na ito? ano ba ang dapat ninyong asahan? pulitika. (siyempre, si kapi iyan eh. asahan ninyo, mapupurga talaga kayo sa pulitika.) gagawin kong kolum ko ang blog na ito, kung gayon, asahan ninyo linggo-linggo na maglalagay ako dito ng mga komentaryo at analysis, mga prediksyon din kung posible, at kung anu-ano pa. pagpasensyahan ninyo na rin kung ganito ang disenyo ng blog na ito. hindi ako marunong mag-html eh. kinopya ko lang yung template ng sulatin blog. magpapatulong na lang ako kay mahal. ayun lang naman. salamat s.t.r., kapi muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong ika-8 ng disyembre, 2002, bandang 6:45 ng hapon. mga komento sa enetation [ ] at sa haloscan [] ___________________________________________________________________________________________________________________________________ |
si kapi, o si francis capistrano sa tunay na buhay, ay nagnanais maging bangaw tulad ni sokrates. nag-aaral pa rin siya hanggang ngayon (kasalukuyang nasa ikatlong taon) ng kursong ab communication journalism track sa pamantasang ateneo de manila. kasapi rin siya ng matanglawin, ang opisyal na pahayagang filipino ng ateneo, at kasalukuyan siyang puno ng bagwisang sulatin at saliksikan (maaaring maging katumbas ng senior writer). bagamat atenista, kinamumuhian niya ang mga apatetiko at utak-pilantropong mga mag-aaral.
sapagkat ninanais niyang maging mamamahayag sa kinabukasan, sinisimulan na niya ito ngayon sa pamamagitan ng blog na ito: ito ang magsisilbing praktisan niya ng pagsusulat ng mga komentaryo at mga analysis ng mga kasalukuyang kaganapan ngayon. marami sa mga nakakakilala sa kanya ang magsasabing kumikiling siya sa maka-kaliwang ideyolohiya, ngunit kayo na ang bahalang maghusga. sapagkat ninanais din niyang mag-udyok ng pag-iisip sa mga makababasa ng mga sinulat niyang komentaryo at analysis, may paraan upang makasali sa diskurso ang mga bisita ng blog na ito: i-klik lang ang may link na "komento" sa dulo ng bawat paksa. ngunit hindi naman sinasabing puro pulitika na lamang ang laman ng blog na ito: paminsan-minsan, may musika, panitikan, at personal (lalo na ang keso) na matatagpuan dito. magising, at lumahok sa panggigising! listahan ng mga inirerekomendang website: [matanglawin.com] [inq7.net] [bulatlat.com] [ibon facts and figures] kapaki-pakinabang din ang [pitas.com] [enetation] [haloscan] [tag-board] [ranchoweb] tingnan ninyo rin ang weblog ni mahal: [bloodsugar] at ng iba ko pang kaibigan: phao:[tigang] keisie:[unfound] jonar:[dagitab] elbert[best viewed...] |
| Serbisyo ng TagBoard Message Board |