Karapatang-ari (c) 2005 ni Francis Yerro Capistrano (a.k.a. Kapi)

Maaaring sipiin, i-link at/o ipamahagi ang mga likhang nasusulat at biswal na nakalimbag sa blog na ito, liban na lamang sa mga artikulo at litrato ng may-akda na inilimbag sa BusinessWorld. Mangyari lamang na maglakip ng karampatan at wastong atribusyon sa may-akda ang bawat sipi o kopya.

isyu 109: Miyerkules, ika-15 ng Setyembre 2005, 12:55 ng madaling-araw
dahil hindi ako makapagsulat

Magsusulat sana ako ng matinong blog entry, kaso napangunahan ako ng katamaran... at aliw sa mga walang-kuwentang bagay. Tulad nito:

adopt your own virtual pet!


at nito:

adopt your own virtual pet!


mga tugon sa enetation [ ] at haloscan []

isyu 108: Biyernes, ika-12 ng Agosto 2005, 6:30 ng gabi
[kolum] Ang Patibong na Impeachment (Hello Garci Series # 4)

Hay, ngayon lang ulit ako nakapagsulat ng komentaryo. Nakakapagod ang trabaho, kung minsan, iniisip ko kung ito nga ba ang trabahong nababagay sa akin. Minsan, iniisip ko nang mag-resign at bumalik sa akademya (lalo na't maraming kababalaghang nagaganap sa pamunuan ng diyaryo). Wala mang diretsang death threat tulad ng mga mamamahayag na talagang nakasabak sa gulo, peligroso ang ganitong trabaho sa kalusugan: laging praning sa paghahabol ng patay-guhit, laging stress, napapadalas tuloy ang paninigarilyo at pag-inom.

Ngunit ito ang trabahong ginusto ko simula nang mamulat ako noong nasa kolehiyo ako. Ito ang buhay na gusto ko: subsob sa pulitika, bagaman hindi nakikilahok (sapagkat alam kong hindi ko pulitika ang umiiral sa bayan natin ngayon).

Kahay heto, susubukan ko muling magsulat ng makabuluhan (bagaman hindi ko sinasabing di makabuluhan ang pulitika sa tula dahil importante iyon).

* * *

Patibong na Impeachment

Bagaman may halong duda na ako sa mga motibo ni Senador Aquilino Pimentel, mukhang may angking pagka-pantas ang matandang iyon nang magbabala siyang isang malaking patibong ang konstitusyonal na proseso ng impeachment.

Ipinipilit niya ito hanggang ngayon, bagaman mariin nang sinabi ni Gng. Arroyo na hindi siya bibitiw, at nangakong makikipagharapan sa isang "konstitusyonal" na proseso ng impeachment.

Noon pa man, inunahan na ni Atty. Lozano--isang kilalang alagad ng diktador na si Marcos--ang mga oposisyonista sa paghapag ng impeachment complaint: isang oportunismo sa probisyon ng Konstitusyon na isang complaint lang kada taon ang maaaring ihain laban sa Pangulo. Lubhang mahina ang complaint ni Lozano, sapagkat sinipi lang niya ang mga sinabi ng Pangulo at mga pulitiko sa kanyang reklamo; hindi inaasahan sa isang abugadong gayot, sapagkat naka-base dapat sa kongkretong ebidensya ang isang reklamo.

Nagkumahog tuloy ang mga oposisyonistang kongresista na maghapag ng pandagdag na reklamo upang bigyang lutong ang marupok na complaint ni Lozano.

At pumasok sa eksena si Atty. Ferrer. Una, naghain siya ng tugon sa ngalan ng Pangulo sa reklamo ni Lozano bago pa man makapagpasa ng susog na reklamo ang oposisyon. Kamakailan lamang, nagpetisyon siya sa komite ng katarungan sa Kamara upang balewalain ang mga amyendang reklamo.

Kanina lang, inilabas ni Sec. Mike Defensor ang mga resulta ng isa diumanong authentication report ng diumanong na-wiretap na pag-uusap ni Garci at ng Pangulo. Kinalikot daw ang boses ng Pangulo, kaya marapat lang na ibasura ang reklamo. Isa itong kilos upang linlangin ang mga bubuo ng kinakailangang 79 pirma sa reklamo upang mai-angat sa Senado.

ipagpapatuloy

mga tugon sa enetation [ ] at haloscan []

isyu 107: Miyerkules, ika-10 ng Agosto 2005, 1:20 ng madaling-araw
[tula] Kung ang pulitika ay bagahe lang sa tula,

huwag na tayong umibig.

Kung ang tag-ani ay pagpapawis ng magsasaka
sa pagitan ng mga buwan ng bagyo at tag-init,
huwag na lang siyang mag-araro ng lupa
sapagkat ang pulitika ay kanyang pagtitiis
sa gutom sapagkat di mabayaran ang inutang
na abono at binhi at buwanang renta sa patubig.
Huwag na lang mag-abalang lumikha ng bigas,

tutal, ang mismong anak niya ay namamaluktot
sa gutom.

Kung ang sahod ay pananakit lamang ng gulugod
ng karpintero sa isang buwan ng pag-lagari at pagpako,
huwag na lang siyang pumasok at magtrabaho
sapagkat ang pulitika ay istrukturang kahoy
na bubuhusan ng semento para maging mansyon
na hindi niya kailanman magagawang masilungan.
Huwag na lang mag-abalang magpatuyo ng semento,

tutal, ang barung-barong niya ay marupok na kalasag
sa ginaw.

Huwag na lang tayong umibig, sapagkat ang gutom
ay pabigat sa braso at tiyan, sapagkat ang ginaw
ay pulikat sa kalamnan, at higit na maginhawa
sa inyo ang pag-ukit ng haraya sa papel.
Kung ang pag-ibig ay pagtitiis sa gitna ng paghihirap
sa pagnanasang pagpapalain din balang araw
at ang tula ay kasaysayan ng ating pagka-aba
at epiko ng ating paglaban at pakikibaka,
ito ang bagaheng nais naming bunuin.
At sapagkat ang tula sa inyo ay pagkikibit-balikat,
bahala na kayong patayin ang inyong sarili
habang hinihimas ang inyong mga toreng-garing

na walang mga pinto
ni mga bintana
upang makita ang mundo
na sa inyong palagay
ay inyong tinutula.

mga tugon sa enetation [ ] at haloscan []

isyu 106: Huwebes, ika-7 ng Hulyo 2005, 6:00 ng gabi
[kolum] Cha-cha? (Hello Garci Series #3)

Kanina, nagsabi na si dating Pangulong Fidel V. Ramos, prominenteng pigura sa unang Edsa, na ayaw niyang magbitiw si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. "Wala" raw kasing papalit, bagaman alam ang Bise-Presidente ang hahalili ayon sa konstitusyon.

Si Noli de Castro nga marahil ang dahilan kung bakit hati ang bansa na patalsikin sa poder ang Pangulo, hindi ang Pangulo mismo. Kung paniniwalaan kasi ang Pulse Asia, nakararaming mga Pilipino na ang naniniwalang dapat nang mawala sa buhay nila si Gloria.

Ika nga ng isang kasamang reporter, ang swerte ng Pangulo dahil si Noli ang kanyang Bise-Presidente. Kung "mas mahusay" man ang Bise-Presidente, siguradong na-tsugi na si Gloria.

Ito siguro ang dahilan kung bakit pursigido si Loren Legarda sa kanyang protesta laban sa pagkaka-panalo ni de Castro at nag-deposit na ng P4 milyon para pabuksan muli ang mga balota. Gayumpaman, hindi pa rin ako mapalagay sa Konstitusyonal na paraan ng paghalili sa pagka-pangulo.

Marahil, tama si Ramos na ang Konstitusyon mismo ang nagbibigay sa akin ng sakit sa tiyan tuwing inaabutan ako nang gising ng alas-dos ng umaga. Kanina sa Manila Rotary Club, nagpanukala siya ng isang iskedyul upang kumpunihin ang konstitusyon sa loob ng kulang-kulang isang taon.

Aniya, dapat daw magtatag ng isang High Commission, sa pamamagitan ng resolusyon mula sa dalawang kamara, na mag-iimbestiga sa kalagayan ng bansa at magpapanukala ng mga pagbabago sa konstitusyon at iba pang mga batas. Partikular sa mga nais papaltan ni Ramos ang pagpapalit ng porma ng gobyerno mula presidensyal patungong parlyamentaryo.

Pagpatak ng Disyembre, buo na ang panukala ng kataas-taasang komisyong iyon. Pagpasok ng Enero ng susunod na taon, nabuo na ng Kongreso bilang Constituent Assembly ang bagong konstitusyon, upang magbigay-daan sa isang plebisito.

Kapag napahintulutan na ng mga mamamayan ang bagong Konstitusyon, magiging epektibo ito sa Marso. Pagpatak naman ng Mayo, magkakaroon na ng eleksyon para sa bagong gobyerno, na uupo pagpasok ng Hulyo.

Ngunit ang pagpapalit nga ba ng Konstitusyon ang solusyon? Ewan ko lang ha. Ang alam ko lang, ang gobyerno mismo ang kailangang palitan.

* * *

Noong isang araw, nilalaro ko sa isip ang posibilidad na tanggapin ang opsyon na itinatawag ng ilang paksyon ng oposisyon at lipunang sibil (partikular na ang mga maka-kaliwa): isang cooperative government, o kung anuman ang tawag nila dito.

Ang kanilang panukala, huwag na lang mag-snap elections. Magkaroon na lang ng isang konseho na mamumuno sa bansa. Bubuuin ang konsehong ito ng mga kinatawan ng iba't ibang sektor, tulad ng mga manggagawa, maralitang taga-lungsod, simbahan, militar, at iba pa.

Iniisip ko, ano kaya kung pagbitiwin na lang ang Pangulo at ligawan si Noli na maging Pangulo pa rin ngunit magpasailalim sa direksyon ng konsehong ito. Hindi ko lang alam kung may kakayahan nga si Noli upang tanggapin ang alok na ito.

mga tugon sa enetation [ ] at haloscan []

isyu 105: Martes, ika-5 ng Hulyo 2005, 7:00 ng gabi
[kolum] Malala (Hello Garci Series #2)

[kolum] Malala (Hello Garci Series #2) Kamakailan lamang, napabalitang may ikinilos ang Malakanyang upang mapatawan ng Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) ang pagpapatupad ng pinalalang value-added tax (VAT).

Op kors, walang papeles na magpapatunay dito. Tanging ebidensya na maaaring magpatotoo sa ispekulasyon ito ay lahat ng mahistradong ni-appoint ng Pangulo ay bumoto para sa TRO. Dalawang mahistrado lamang ang tumutol dito, kabilang na si Punong Mahistradong Hilario Davide.

Napaisip ako nang sinabi ko ang mga salitang "mahistradong ni-appoint" ni Gloria. Mayroon nga bang kapangyarhian ang Pangulo na magluklok ng mga opisyal sa kabilang sangay ng pamahalaan? Hindi ko sigurado.

Gayumpaman, hindi maikakaila ang kapangyarihang nakalap ni Gloria dahil sa mga taong nailuklok hindi lamang sa sarili niyang gabinete, sa Kongreso at sa korte kundi pati na rin sa mga Konstitusyonal na sangay ng gobyerno. Higit ang kapangyarihang kanyang na-konsolida--at higit pa ang mga kabulastugang ginawa ng kanyang pamunuan--kay Marcos.

Sa pagdaan ng mga pangyayari na may kinalaman sa mga na-wiretap diumano na pag-uusap ng Pangulo sa isang "Garci," lumantad kung paano kumilos ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) bilang kanyang mga asong ulol na tumutugis sa mga testigo laban sa kanya.

Alam nating si DOJ Sec. Raul Gonzales ay dating kongresista sa kanyang kampo, isa sa mga "Mr. Noted" dahil sa pagharang sa oposisyon na buksan ang mga balota noong canvassing sa Kongreso. Si G. Gonzales mismo ang nagsabi noong bilangan na iluluklok siya bilang kalihim ng DOJ. Ginawa niya itong Department of Obstruction of Justice.

Si Reynaldo Wycoco naman ay hindi organikong opisyal ng NBI nang naluklok siya bilang direktor nito pagkatapos ng Edsa Dos; isa marahil motibasyon para kay Samuel Ong na lumantad kasama ng kanyang mother of all tapes. Ngunit bago bantaan ng NBI ang mga saksi laban sa Pangulo, nagsilbi itong public relations firm ng gobyerno na may ginagawa itong mabuti kahit wala, sa pamamagitan ng mga photo-op ng mga akusado ng iba't ibang krimen.

Sa militar naman, bagaman may mga puwersang tutol sa Pangulo, na-konsolida pa rin niya ang kapangyarihan dito sa pamamagitan ng mga pinuno nito, na pagkatapos mag-retiro ay iniluluklok sa iba't ibang puwesto sa gobyerno at iba't ibang korporasyon ng pamahalaan. Naiiwan tuloy si Abat sa ere, dahil abala ang mga retiradong heneral na ito sa mga ahensya at korporasyon ng gobyerno--isang concession--kahit na walang kakayahan ang mga ito na mamuno ng mga sibilyang ahensya, ni mga korporasyon.

Istratehiko rin ang pagkakaluklok kay Dinky Soliman at Ging Deles sa kanyang gabinete. Binibigyan ngayon ni Bb. Soliman ng lip service ang Pangulo, kahit na isa siya sa mga konbenor ng Kompil. Isa ring dahilan ang pagkakaluklok niya sa pagkakahati ng diumanong civil society, kaya walang makalap na iisa at klarong paninindigan ukol sa Pangulo ang mahalagang bahaging ito ng lipunan, bukod siyempre sa mga grupong nasa bandang kaliwa.

Ang Commission on Elections naman ay pinamumunuan ng isang pulitikal na appointee--si Ben Abalos--at ilan sa mga komisyoner na ito ay iniluklok din ng Pangulo, siyempre, prominente si Garci.

Upang hindi maharangan ang mga appointees ng Pangulo, mayorya sa mga kongresista at senador na kasapi ng Commission on Appointments ay nasa kanyang balwarte.

Muli, ang Korte Suprema ay binubuo ng mga maka-Arroyo. Hindi lang pagdating sa TRO ng VAT: ang mga pagbaligtad ng mga naunang desisyon sa konstitusyonalidad ng Mining Act at Kuratong Baleleng ay ganito rin ang ipinapakita.

At panghuli, upang hindi magtagumpay ang anumang impeachment complaint na ihain, nasa administrasyon ang numero sa parehong mataas at mababang kapulungan. Ito rin ang dahilan kung bakit umusad at nagtagumpay ang mga di-makataong batas na gustong ipatupad ng Pangulo, partikular na ang VAT: halos isang rubber stamp na Kongreso.

Mukhang hindi na kailangan ni Gloria na mag-deklara ng Batas Militar. Bagaman bumabagsak ang popularidad niya, mahihirapan ang pagtanggal sa kanya.

Saan ngayon tatakbo ang mamamayan? Sa kalsada? Eh kung tuwing mag-aanunsyo ng malaking rali ang mga puwersang laban sa Pangulo, nag-aayos ng kalsada ang Department of Public Works and Highways! Kung hindi man, sasalubungin ng umuulang mga patpat ng arnis mula sa mga pulis na matulis.

mga tugon sa enetation [ ] at haloscan []

isyu 104: Martes, ika-5 ng Hulyo 2005, 7:00 ng gabi
SA LAHAT NG MANUNULAT NA SAWA NA: PUMIRMA AT PAKIPASA

http://www.PetitionOnline.com/pen333/petition.html

To: Philippine President Gloria Macapagal-Arroyo

We are poets and other writers who fully agree with National Artist Napoleon Abueva’s recent declaration calling on President Gloria Macapagal-Arroyo to resign from her post. Her fraudulent victory in the May 2004 election – together with her record of economic and political maladministration, subservience to foreign vested interests and suppression of the most basic human freedoms – have rendered her totally unfit to stay in Malacañang a day more.

As writers, we remember that one of Macapagal-Arroyo’s first – and gravest – offenses was against the freedom of expression, a basic right enshrined in no less than the Philippine Constitution and much treasured by literary and other cultural workers. Her banning of Live Show, a well-researched film about how extreme poverty forces many of our countrymen into the darkest depths of self-degradation in exchange for food on the table – one of the President’s oft-repeated promises – was one of the very first issues against her.

In contrast, she has not even lifted a finger against the most brazen displays of obscenity by noontime show hosts and so-called “singers” and “actors” who have lent their names to her various propaganda gimmicks.

Macapagal-Arroyo’s total absence of even the slightest respect for freedom of expression would be further shown not only by her administration’s various attempts to gag the media and the cultural sector, but also by her government’s bestowing of significant national awards to, among others, self-appointed literary mentors who have made a living out of discouraging novice writers from taking the path of social concern – thus severely limiting the possibilities of development for literature in the Philippines, a country plagued by ages-old societal ills that clamor to be written about.

Clearly, Macapagal-Arroyo views the act of luring beginning writers into taking the road of apathy to the nation’s plight – in contrast to the sterling traditions of Dr. Jose Rizal, our National Hero; and Amado V. Hernandez, himself a National Artist for Literature – and deceptively leading them along the path of treachery to the people, as a significant contribution to the development of Philippine literature and culture.

Macapagal-Arroyo asks that we sing hosannas to those who sell us the most dangerous hallucinogens amid an over-all national condition that calls for the most sober thoughts and actions.

On top of all these, Macapagal-Arroyo would even attempt to conscript writers and other cultural workers for her government’s hypocritical campaign to propagate an “anti-corruption” culture. The current occupant of Malacañang, whose name has figured in more than ten large-scale corruption scandals, is in absolutely no position to instill anti-corruption values in the minds and hearts of the people.

Her brand of anti-corruption culture is one that punishes those who blow the whistle on the big fish – like former Public Estates Authority (PEA) director Sulficio Tagud, Jr., Rear Admiral Guillermo Wong of the Philippine Navy, and Landbank teller Acsa Ramirez – while keeping the guns trained on the small fry. It is an anti-corruption culture that will only teach the people – particularly the young – that petty crime does not pay but high crime pays big time.

For these, we demand that President Gloria Macapagal-Arroyo step out of Malacañang, and we commit to either joining or supporting all actions aimed at her ouster as a prerequisite to building a transition council that would pave the way for reforms that would go beyond the scope of a mere regime change.

Enough is enough, Mrs. President. It is time to finish the final chapter of your book.

mga tugon sa enetation [ ] at haloscan []

isyu 103: Sabado, ika-25 ng Hunyo 2005, 7:10 ng gabi
[kolum] EDSA Fatigue? (Hello Garci Series #1)

"None of this is a good move for foreign investors." --Peter Wallace sa isang panayam.


Masalimuot ang kasalukuyang sitwasyong kinahaharap ng ating lipunan, na maaaring maipapaliwanag--ngunit maaari rin namang sa isang simplistikong paraan--ng pagbagsak ng piso.

Kahapon, bahagya itong umangat dulot diumano ng pagiging mapayapa ng pambangsang kilos-protesta ng mga grupong tutol sa pamumuno ng Pangulo. Ngunit nakabinbin pa rin ang pagbaba ng piso hanggang umabot ng P60 kada dolyar. Kanina lang, inanunsyo sa radyo na hindi tuloy ang martsa ng grupo ni Abat patungong malakanyang: bagkus aangat na naman ba ang piso?

Tinaningan na ng Pangulo ang lahat ng nais magpabagsak sa kanya--hanggang ngayon na lang kayo, hanggang diyan na lang kayong mga oportunista diumano. Ito na lang ang kanyang laging bukambibig: kasalanan ng mga naghahangad ng kapangyarihan ang kasalukuyang pambansang sigalot, pinagsasamantalahan lang diumano nila ang paglagpak ng kanyang popularidad.

Isinisisi ng Pangulo ang gulo hindi lang sa mga naghahasik ng destabilisasyon kundi sa pangmundong merkado ng krudo. Umaabot na sa $60 kada bariles ng krudo, at dahil dito, apektado ang presyo ng lahat ng bilihin at ang ekonomiya sa pangkalahatan. Kumbinsido siyang hindi niya kasalanan ang pagtaas ng mga presyo, bagkus, nasasalanta lamang ang kanyang popularidad dulot ng sitwasyon ng pangmundong merkado, tila ba wala siyang kinalaman dito.

Ito ang dalawang sagot niya sa isang napaka-simpleng tanong: ikaw ba ang boses na nakikipag-usap sa isang "Garci," na pinaniniwalaang komisyoner ng Commission on Elections, sa lumulutang ngayon na mga diumanong na-wiretap na pag-uusap?

Sa ganito niyang sagot, tila siya bata na nang tanungin ng magulang kung siya ba ang kumain ng cake sa ref, "siya kasi."

Naaalala ko rin sa ganitong sagot ang sitwasyon sa simula ng sibilisasyon sa Hardin ng Eden: "kinain mo ba ang mansanas?" "Ang babaeng iyan kasi..."

* * *

Kamakailan lamang, namataan ko si Peter Wallace, isang kilalang political-economic analyst na may mga kliyenteng mamumuhunan sa labas ng bansa, sa paglulunsad ng "Be Not Afraid" movement nina Ping Lacson. Akala tuloy ng mga nandoon, suporta siya sa sinasabing kilus-kilusan ng mga oposisyonista. Nang kausapin ko siya, mariin niya itong itinanggi: naroon lamang siya para sa kanyang mga kliyente, kumakalap ng impormasyon.

Sinabi niya sa akin, nakadagdag lamang sa kasalukuyang kalituhan ng bayan ang paglulungsad na iyon ng kilusang magpapakalat ng mga kopya ng na-wiretap na pag-uusap diumano ng Pangulo at Comelec Commissioner Virgilio Garcillano. Hindi na mahihikayat ang mga bagong investor na papasok sa bansa, ika niya, ngunit wala nang magagawa ang mga investor na nandito na sa bansa dahil nakapag-pundar na sila dito.

Hindi sa sumasakay ako sa argumento ng status quo na kailangan ng mga foreign investor para umunlad ang bansa, ngunit may makukuha tayong punto sa kanyang sinabi. Sa madaling sabi, sa kasalukuyang ekonomikong kalakaran, maging ang pag-unlad ng bansa ay iniaasa sa mga panlabas na puwersa. Alam na nating lahat iyon.

* * *

Sa isa namang hearing ng Senate Committee on Foreign Relations ukol sa ratipikasyon ng ika-apat at ikalimang protokol ng General Agreement on the Trade of Services o GATS, tinanong nina Miriam Santiago at Manong Johnny Enrile sa mga burukratang nasa pagpupulong na iyon: "what is the utility of ratifying such agreements?"

Patungkol sa higit na liberalisasyon ng industriya ng telekomunikasyon ang ika-apat na protokol; nangangahulugang pag niratipika ito, pinahihintulutan natin ang malayang pagtatayo ng mga negosyong telekomunikasyon sa bansa bilang kompetisyon ng mga lokal na kompanya tulad ng Globe at Smart. Samantala, sa liberalisasyon naman ng mga serbisyong pampinansya--tulad ng mga bangko, seguro at pre-need--ang ika-limang protokol.

Ano ang sagot ng mga burukrata? Pampaganda ng imahe ng bansa sa mundo dahil sa pagtupad sa mga napagkasunduan sa World Trade Organization. Isa lang ang naiba, ang Komisyon sa Seguro, na nagsabing kailangan pang pag-aralan ang ikalimang protokol sapagkat masikip na ang lokal na merkado ng seguro.

Nainis sina Santiago at Enrile sa sagot na pampabango lamang ang ratipikasyon ng mga naturang kasunduan. Tanong ni Enrile, ano ang napala natin simula ng ibukas ang lokal na merkado sa mga dayuhang negosyo?

Ipinunto naman ni Santiago, sa mga foreign investment na nakamit ng bansa, isang malaking bahagdan nito ay mga portfolio o short-term na puhunan lamang--ispekulatibo at wala naman talagang pangmatagalang epekto sa pag-unlad ng bansa.

Samantala, kakarampot lamang ang inaasahang direct investments, at humihingi pa ng kung anu-anong mga incentives para maakit: bagkus, naghahangad lamang ng libreng pasahe (fre ride) sa isang bansang naghihikahos, humihikab, humihikbi.

* * *

Balikan natin ang batang nanisi ng iba nang tanungin siyang siya ba ang kumain ng cake sa ref. Kung aaminin ba niyang kinain niya ang cake nang walang pahintulot, hindi na ba siya bibigyan ulit ng cake? Kung sasabihin niya namang hindi siya ang kumain ng cake--at malaki ang pagkakataong magmukha siyang sinungaling--bibigyan ba ulit siya ng cake?

Eh kung isisi niya sa iba ang pagkain ng naturang cake--at malamang hindi na bigyan ng cake ang isinisi niya--mabibigyan din ba siya ng cake? Malamang, hindi. Kung bigyan man siya, magmumukha siyang sumbungera, at aawayin siya ng sinisi niya habambuhay, iba-blackmail hanggang sa alukan niya na rin ito ng cake.

Tulad nang nangyari kay Adan nang isinisi niya kay Eba ang pagkain ng mansanas: hindi ba't pareho rin silang napalayas sa Hardin ng Eden?

* * *

Walang-kawala si Gloria sa sitwasyon ngayon. Aminin man niya o hindi, wala siyang magagawa kundi ang umalis.

Ngunit ang dilema ngayon, sino ang papalit na mamumuno? Sa mga prominenteng pulitiko ngayon--lalo na ang nananawagan para sa kanyang pagpapatalsik, lalo na ang mga susunod sa linya ayon sa Konstitusyon--walang alternatibong pinuno, walang kaaya-aya.

Anuman ang mangyari, walang kawala ang bansa sa pangkalahatan, at ito marahil ang nagdudulot ng diumanong EDSA fatigue. Hindi lang sa isyu ng liderato. Kung mapapatalsik ba ang mga nasa kapangyarihan ngayon, bubuti ba ang pang-ekonomikong kalagayan? Mapatalsik man si Gloria, patuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo. Mapatalsik man si Gloria, nag-aabang lang sa kanto ng susunod na buwan ang pagpapatupad ng bagong VAT. Sinuman ang pumalit.

Ito ay kung susundan natin ang kumbensyonal na pag-iisip ng pagpapatalsik ng mga abusadong lider, dahil napatunayan na ng kasaysayan na pareho lang ang pumapalit. Sa ikalawang EDSA, ang pumalit sa isang mandarambong ay mandarambong din. Sa unang EDSA, ang pumalit sa mandarambong ay maaaring hindi naman mandarambong, gayumpaman, inutil.

Sa madaling sabi, mapatalsik man ang kung sinong pinunong nasa poder, nariyan pa rin ang mga free rider, nag-aabang ng kung ano ang mangyayari sa abang bansang ito. Tila ba mga buwitre na hinihintay na lumagpak sa buhangin ng disyerto ang isang gutom na gutom at uhaw na uhaw na mamang naliligaw.

ipagpapatuloy...

mga tugon sa enetation [ ] at haloscan []

isyu 102: Huwebes, ika-23 ng Hunyo, 1:30 ng umaga
[kolum] Pre-need: Nauuna sa pangangailangan

Well, hindi ko na matiis na magsulat. Kailangan ko nang magsulat sa Filipino, er, sa Tagalog. Saka ko na muna isusulat ang tungkol sa Gloriagate. At oo, saka ko na ipapaliwanag kung bakit "Tagalog" at hindi "Filipino."

Pre-need. Isa itong pinansyal na serbisyo kung saan sinisiguro na ng isang kumpanya ang anumang pangangailangan ng isang kliyente sa hinaharap. Isa itong investment instrument, isang opsyon sa pamumuhunan na hindi salapi ang kita. Katulad ito ng seguro (o insurance), ngunit sa pagkakataong ito ang sinisiguro ay siguradong mangyayari, katulad na nga ng pag-aaral ng anak. Maaaring kahalintulad nito ang pensyon, maaaring endowement, maaaring time deposit, depende kung ano ang nakasaad sa polisiya. Ika nga ni Manong Johnny Enrile, isa itong "mongrel."

Basta, sa nakararami, nagkaka-problema ang industriyang ito ngayon. Kamakailan lamang, natutuklasan na hindi na makakayanan ng mga kompanya ng pre-need, lalo na sa edukasyon, na tustusan ang mga ipinangako nilang kinabukasan. Ang trust fund, kung saan iniimpok dapat ng mga kompanya ang mga ibinabayad ng planholders--at dapat nilang pinalalaki--ay, sa kasamaang palad, numinipis nang numinipis. Sa kaso ng College Assurance Plan (CAP), P4.7 bilyon na lamang ang natitira sa trust fund nito, samantalang umaabot sa P31 bilyon ang actuarial reserve liabilities nito, o ang tinatayang pagkakautang sa mga planholder.

Maraming isinisising dahilan, lalo na sa pagbagsak ng pinaka-kaaya-ayang pre-need na produkto: ang tradisyunal, o open-ended na plano, kung saan babayaran ng kompanya ang matrikula ng ipinangalan sa plano, gaano man kataas ang matrikula sa hinaharap. Kaiba ito sa fixed na plano, o naka-dikta na sa kontrata kung magkano lamang ang sasagutin ng kompanya.

Simula noong deregulasyon ng edukasyon noong 1992, nagtaasan ang matrikula na abot hanggang langit. Kung dati, kontrolado ng estado ang pagataas ng matrikula, ngayon ay bahala na ang mga paaralan kung gaano nila kataas itatakda ang matrikula nila. Dahil sa walang-sawang pagtaas ng matrikula, lumobo nang lumobo ang pagkakautang ng mga kompanya, at hindi raw ito nakini-kinita ng mga kompanyang ito.

Maaring nakita nga nila ang epekto ng deregulasyon ng edukasyon, ngunit maaari rin silang nabighani sa mga potensyal na kita, sapagkat higit na kaaya-aya nga naman ang mga tradisyunal na plano: mas bibilhin ang ito dahil wala nang aalalahanin ang mga magulang. Halimbawa nito ang CAP na patuloy na nagbenta ng tradisyunal na mga plano hanggang sa pigilin na ito ng Securities and Exchange Commission. Samantala, nang ma-deregula na nga ang matrikula, ipinasya na ng Pacific Plans, Inc. na ihinto na ang pagbebenta ng tradisyunal na plano.

Bukod pa rito, siyempre, sumapit ang Asyanong Krisis-Pinansyal, na sumalanta sa buong industriyang pinansyal: mga bangkong nagsara o nagsanib at mga segurong nalugi. Sa mga kabisado ang pinansya, isa sa mga salarin ng krisis na ito ang pagbagsak ng industriyang real estate. Sa kasamaang palad, sa real estate din ipinuhunan ng mga kompanya ang mga trust fund.

Ngunit hindi ito dapat "sa kasamaang palad," at oo, inutil nga ang mga pinansyal na regulasyon ng Pilipinas. Dapat, ang mga trust fund ay inilalagay sa mga trustee bank na hindi kamag-anak na kompanya ng kompanyang pre-need. Ang nangyari, sa halimbawa ng CAP, sapagkat may mga magkakaparehong may-ari ang CAP at ang trustee bank nito, naiuutos ng mga may-ari ng CAP kung saan ipupuhunan ang mga trust fund. At tulad ng nalalaman natin, ang mga Sobrepeña, na may-ari ng CAP, ay nag-aari ng mga negosyo sa real estate, halimbawa, ang Fil-Estate at Camp John Hay Development Corp, dalawang kompanyang alam nating naghihingalo na ngayon.

Ang problema sa real estate, bagamat alam namang lolobo talaga nang lolobo ang presyo ng lupa (sapagkat nakatakda na ang lawak ng lupain samantalang padami nang padami ang populasyon, bagkus, suplay en demand), mabagal ang pagbenta ng lupa. Ito rin ang sumalanta sa ibang pre-need na kompanya.

Lumalabas kasi, halimbawa, kung 10% taun-taon ang pagtaas ng matrikula, 10% ang kailangang kitain ng trust fund taun-taon, 10% ang, kung baga, interes ng ipinuhunan.

Lumalabas tuloy na nagiging scam ang pre-need bilang puhunan, parang pyramiding. Ngunit hindi lamang nagiging scam ang pre-need dahil dito, kundi lalo na sa kung ano ang ginagawa ng mga kompanya. Sa kaso ng CAP, sandamukal ang ipinuhunan sa real estate. Sa natitira nitong P4.7 bilyon na trust fund, P2 bilyon ang naka-puhunan sa real estate, samantalang P1 bilyon naman ang naka-puhunan sa mga unlisted companies, o mga kumpanyang hindi ikinakalakal ang mga stock sa stock market. Sa nahuli, sapagkat walang sekondaryong merkado, hindi rin maibebenta agad ang mga stock nito, at lalong hindi maibebenta kapag nalugi ang kompanya.

Hindi lang ito. Minsan nang ipinunto ni Mar-ket Roxas na sa unang dalawang taong installment ng mga bayarin ng isang planholder, 5% lamang ang napupunta sa trust fund, sapagkat ito lang ang regulasyon ng SEC, at malugod naman itong sinusunod ng mga kumpanya. Ibig sabihin, 95% ay mapupunta sa komisyon ng mga ahente, gastusin sa pagpapatalastas, sahod ng mga ehekutibo, at kita ng kompanya. Bukod pa dito, sapagkat walang batas, ang mga planong hindi nakupleto sa pagbabayad o lapsed plan ay malaking negosyo sa mga kumpanyang pre-need, sapagkat hindi isinasauli ng kompanya ang mga naibayad na ng planholder.

Sa kaso naman ng Pacific, kamakailan lamang ay ihiniwalay nito ang mga tradisyunal nitong plano kasama ng mga palyang asset ng trust fund--mga Napocor bonds--at ang mga fixed na plano naman kasama ng mga magagandang asset sa isang hiwalay na kompanya: Lifetime Plans, Inc. Ang dahilan, upang iligtas ang mga magagandang asset mula sa paluging bahagi ng negosyo (ang tradisyunal na plano). Samakatuwid, ito ay diumanong pagmamaneobra ng korporasyon. Ani Serge Osmeña, ang tawag dito ay fraudulent conveyance, kung saan wala pang batas laban dito ang Pilipinas.

Pagkatapos nito, idinulog ng Pacific sa korte na bigyan ito ng rehabilitasyon upang mapaganda nito ang kung ano ang natitira sa trust fund nito. Sa madaling sabi, hindi mababayaran ang mga planholder ng kung ano ang naipangako.

Samakatuwid, nasasalanta ngayon ang mga planholder hindi dahil sa mga panlabas na pangyayari--katulad ng krisis-pinansyal at pagbagsak ng real estate--kundi sa mga kagagawan mismo ng mga kompanya: nauuna sa pangangailangan ng mga planholder ang kita.

Ngayon naman, ginagawa ng gobyerno ang magagawa nito upang maabsuwelto kahit papaano ang publiko, lalo na ang mga planholder. Para sa mga maaayos pang kompanya, inaareglo na ng Senado ang Pre-need Code kung saan hihigpitan na ang mga regulasyon sa industriya.

Kasama sa mga regulasyong ito ang pagtatatag ng isang "PDIC" para sa industriya, pagtatakda ng higit na malaking bahagdan ng bayarin sa trust fund, pagbabawal sa mga may-ari ng kompanya ang pagkalikot sa trust fund, at higit na mabigat na kriminal na sagutin.

Samantala, sa isang porum para sa pagsasalba ng mga naluluging kumpanya para diumano sa kapakanan ng mga planholder, nagpahayag ang SEC na iko-konsidera nila ang mga naunang panukala upang baguhin ang pormyula sa pagkuwenta ng actuarial reserve liabilities ng isang kompanya. Upang hindi magmukhang nalulugi ang mga kumpanya? Upang higit na marami ang ma-goyo?

Sa mga hindi pa nababayaran, palagay ko, mukhang wala nang pag-asa.

Hindi ko na alam. Kasalanan ang lahat ng ito hindi lamang ng mga ehekutibo ng mga kompanya--ilan sa kanila ay naka-helicopter pa sa paglilibot sa Pilipinas--kundi ng inutil na gobyerno. Hindi lamang ng inutil na regulasyon.

Kung sana, may sapat na trabaho na hindi na nangangailangan ng digri sa kolehiyo, hindi na maghahangad pa ang mga magulang na paaralin sa kolehiyo ang mga anak nila. At kung sana, sinusunod lamang ng gobyerno ang nararapat na pinakamalaking alokasyon sa badyet ng edukasyon at pagtupad sa karapatan ng lahat para sa libre at de-kaledad na edukasyon, hindi na sana maghahangad pa ang mga magulang na i-asa sa mga pre-need na kompanya ang kinabukasan ng kanilang mga anak.

mga tugon sa enetation [ ] at haloscan []

isyu 101: Huwebes, ika-23 ng Hunyo 2005, 1:00 ng umaga
Recess

Ilang buwan din iyon. No, hindi ko magagawang lisanin ang blog na ito pagkatapos lamang ng ika-100 entry, at kung gagawin ko man iyon, magpapaalam muna ako, madramang-madrama. Anyway...

Maaaring alam na ninyo, maaari ring hindi, nalipat po ang inyong lingkod ng assignment sa trabaho. Oo, mayroon na akong beat pagkatapos ng sampung buwan sa Weekender. Nalipat ako noong Mayo sa Senado, kung kailang kasagsagan ng pagpasa ng bagong value-added tax. Ngayon naman, pre-need, minsan may mga pahabol sa VAT, at siyempre, jueteng at wiretapping. Pagpasok ng Hulyo, national budget naman. Puyatan daw ito.

Recess ngayon ang session ng Kongreso, kakaunti lang ang mga committee hearings, at nakakaalis na ako ng opisina bago mag-alas-siyete. Ngunit dahil sa trapik, lampas alas-otso na ako nakakauwi, hindi tulad ng dati na nakaka-side trip pa ako. Pihado, pagpasok ng sesyon, ngaragan na naman.

Ngunit sa dami ng mga nangyayari sa bansa natin ngayon, kailangang ipagpatuloy ang online column na ito.

* * *

RECESS Ngayon, halos bakante ang session hall. Nagsasawa na kami sa mukha ni Pong Biazon, na siyang madalas na nasa Senado (dahil may mga hearing siya ngayong Linggo), dahil siya na lang lagi ang nai-interbyu namin ngunit ayaw namang magpatawag ng bersyon ng Senado ng hearing ukol sa diumanong na-wiretap na pag-uusap ng Pangulo at ng isang opisyal ng Comelec.

Ngunit ngayon lang bang recess nababakante ang Senado? Oo, pag may sesyon, may mga senador, may mga hearing, ngunit may nagagawa bang makabuluhan?

Minsan, may nakausap akong matandang bureaucrat ng Senado. Abugado siya, at aniya, maaaring kasuhan ang mga senador na hindi nagpupunta sa mga sesyon sa iba't ibang dahilan. Ilang araw na lamang bago matapos ang unang regular na sesyon ng ika-13 Kongreso, at kalahati lang ang mga senador.

Mabibilang lamang sa mga daliri ng kamay ang mga naipasang batas nang mag-adjourn na nga ang unang regular na sesyon. Kabilang na dito ang bagong batas sa VAT, na pinapatawan ng VAT ang krudo at kuryente, at binibigyan ang Pangulo ng kapangyarihan na itaas ang VAT sa 12% pagpatak ng 2006.

Maitanong ko lang, may ibabaon pa kaya ang mga bata at makakakain pa kaya sila ng recess?

mga tugon sa enetation [ ] at haloscan []

LANGAW SA ISANG BASONG GATAS
[IKASIYAM NA BERSIYON]

Hinalaw sa maikling kuwentong 'Langaw sa Isang Basong Gatas' ni Amado V. Hernandez ang pamagat nitong blog.


KAPI. a.k.a. Francis Yerro Capistrano, lalaki, 21 taong-gulang, taga-lungsod-Quezon, mamamahayag para sa BusinessWorld. Nagtapos ng AB Communication (Journalism track) sa Pamantasang Ateneo de Manila noong Marso ng 2004. Naging Punong Patnugot ng Matanglawin, ang opisyal na pahayagang Filipino ng pamantasang nabanggit. Pinagpapatuloy hanggang ngayon ang recording ng di matapos-tapos na unang demo ng Aware, na binabalak nilang palitan ng pangalan. Nagtanghal para sa Sinagbayan. Patay-sinding kasapi ng Kilometer64, pangkat ng mga makata di basta-basta.

Larawan: Session Hall, Senate of the Philippines (Kapi).

Kontakin sa:
kapi@matanglawin.org
kapicapistrano@gmail.org

ang dakilang sinupan

isyu 1-6 (dis02-ene03)
isyu 7-10 (peb-mar03)
isyu 11-14 (mar03)
isyu 15-17 (may-hul03)
isyu 18-22(set-dis03)
isyu 21-48 (hun-okt04)
isyu 49-53 (okt04)
isyu 54-75 (dis04-en05)
isyu 76-100 (en-mar05)





Nagpapairal sa blog na ito:
pitas.com
haloscan
enetation
tagboard
village photos

Reading assignment:

businessworld
matanglawin.org
bulatlat.com
ibon online
pcij
cmfr
newsbreak
p
jr
konrad adenauer
cfj
guardian unlimited
tinig.com
luisteodoro.com
dannyarao.com
conrado de quiros online

Sapagkat pulitikal ang personal:

Sali na sa KILOMETER64

pj
aaron
alex
anj
ate len
bb. lasala
bedmate
bolix
caloy
carl c.
carl r.
chanchan
chris
cocoy
denskie
ederic
egay
elbert
emskie
iris
javie
jilly
job
joel
jeeu
jomar
jonar
julian
kakoi
kareeza
kramer
lawrence
leokay
maan
maita
makoy
mando
marcus
mic
mikael
mong
nherz
nikko
nunuy
pael
pao
peachy
ria
roy a.
roy m.
rustum
tish
tish
toni
tsarlz
waps
yol

silipin din ang mga blog sa
philippine sites

Kalayaan sa pamamahayag!

serbisyo ng tagboard.com
pangalan websayt o email mensahe(ngiti!)