langaw sa isang basong gatas
May Mangyayari Raw Mamaya isyu bilang 10 May mangyayari raw mamayang hindi kaaya-aya. Dulod ito ng kabobohan ng tao. muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong ika-17 ng Marso, 2003, bandang 12:01 n.u.. mga komento sa enetation [ ] at sa haloscan [] ___________________________________________________________________________________________________________________________________ Pagsubok sa Burukrasya: Karanasan sa Pagpila sa SEC isyu bilang 9 Muli, paumanhin, at hindi na ako makahanap ng oras para mag-post ng panibagong kolum. Tulad ng dati, kinakatam ako hindi ng katamaran kundi ng sandamukal na trabaho sa iskul (sa katunayan, nagkaka-aversion nga ako sa pagsusulat sa kasalukuyan dahil sa ang daming deadline sa mga journ classes ko, lalo na iyang investigative reporting na wala namang itinuturo sa amin sabay sabak. At least may napupulot na karanasan, na siyang ikukuwento ko mamaya), sa matanglawin (hay! tapos na ang eksamen ng seniors, sa wakas! baka lumuwag na kaming mga juniors), at sa play (music design ako ng play na 'Three Rats', direksiyon ni Jay Cruz dating T.A. at gradweyt na, ipapalabas ngayong darating na Biyernes at Sabado. Manood kayo!), at sa banda (may gig na naman kami sa Sabado. Ni hindi ko nga alam kung makakapagpraktis pa kami). Ang bigat ng linggong ito, na-sabon pa ako ni bosing Aaron kanina. Nagpunta ako ng Securities and Exchange Commision (SEC) kanina para kumuha ng mga Financial Statements ng San Miguel para sa IJ class ko. Nagsimula akong pumila ng alas-diyes. Natapos ako alas-dos imedya. Hindi ako napipikon, mind you, natutuwa pa nga ako eh. Yung haba ng pila, madali namang intindihin: sandamukal na estudyante at kawani at kung sinu-sino pa ang nakasabay ko kanina, kumukuha ng mga dokumento na tig-20 hanggang 50 pahina (ako mismo dalawang dokumento na tig-20 ang kinuha). Paano ba namang hindi tatagal ang pila niyan? Balik sa diskusyon: natutuwa ako kasi, tulad ng pagpunta namin ni Jayson (partner ko sa IJ sa UP) sa Bureau of Labor Relations (BLR) para kumuha naman ng mga CBA, higit kong naramdaman ang pagka-mamamayan ko. Sinubukan ko ang burukrasya, at napagsilbihan naman ako nang, sa palagay ko, maayos. Hay, sa LTO pa lang naman ako naburat. May malaking pagkakataon na ito ang magiging trabaho ko kapag nasa IJ na ako: pumila sa SEC at kung saan-saan pang ahensya para sa mga dokumento (habang nagkukunwaring estudyante sa management na gumagawa ng research, kahit investigative journ talaga ang pakay). Sa iba, mukhang nakakainip. Ang ganang akin, nagkakaroon ako ng panahong magbasa, mag-isip, at puwede na ring magsulat, habang nagsisilbi bilang dyornalist. O diba? Monthsary ulit namin ni mahal sa Miyerkules! Pero mawawala na naman ako buong araw: pipila ulit sa SEC. muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong ika-4 ng Marso, 2003, bandang 12:30 am. mga komento sa enetation [ ] at sa haloscan [] ___________________________________________________________________________________________________________________________________ Tsap Suy # 3 isyu bilang 8 Patawarin ninyo sana, mga tagasubaybay (Feeling noh? Para namang marami nga. Hehe.) ngunit hindi ako nakapag-post noong Miyerkules, patay-guhit na tinakda ko para sa sarili. Oh well. Hindi sa kinakatam na naman ako ng katamaran: kay daming nangyari ngayong linggong ito. Well, bukod sa monthsary namin ni mahal (Keisie! happy monthsary rin nga pala), nagka-tambak-tambak na naman ang trabaho. 'Nagmumulto' na nga ako sa Mata, samu't saring papel at eksam pa. Hay nako, nagtatampo na nga rin 'ata ang mga ka-banda ko, hindi na kami nakapag-rekord. Kaya heto, tsapsuy muna para hindi naman ganoon ka-cerebral. Mamaya o bukas na lang ang kolum. Gusto ko rin sanang i-promote ang mga sumusunod: 1)Sa araw ng mga puso, ika-5 hanggang ika-9 ng gabi, magkakaroon ng poetry reading ang Matanglawin: Rubdob. Magkita-kita tayo sa Wallowing Pit, iyong malaking punong may mga nakapaligid na stone bench sa likod ng JGSOM. Magdala kayo ng tula ninyo; 2)Sa Sabado naman, may gig ang Aware at White Chapel (Sa mga hindi nakakaalam, mga banda ko iyon. Pulitikal ang una at heavy metal naman ang ikalawa) sa Ards, bilyaran sa Katipunan, sa kaliwa ng bangkong nasa kaliwa ng Shoppersville. Nagbebenta ako ng mga tiket. Di ko pa alam ang presyo, pero malalaman ko 'pag binigay na ni Ino sa amin ang mga iyon. * * * Pinatay si Rolly Kintanar, dating hepe ng NPA, noong ika-24 ng Enero sa Kamameshi House sa Circle. Mga ilang araw pagkatapos, kinumpirma ng NPA ang mga ispekulasyon ng intelligence na sila nga ang nag-liquidate sa dating rebelde. Hindi sa gustong patunayan ng NPA na intelligent nga ang militar: lumalabas na nais nilang iparamdam sa taumbayan na malakas pa rin ang pag-iral ng NPA sa bansa, at nais pa 'ata nilang ipagyabang ang kanilang sistema ng hustisya. Traydor diumano sa kilusan si Ka Rolly, at napatunayan daw ng People's Court ang mga pinaggagagawang 'kabulastugan' ng lider-komunista noong nasa poder pa siya, tulad ng mga kidnap-for-ransom. Hindi natin alam kung totoo nga ang mga paratang na inilantad nina Ka Roger Rosal, kasalukuyang bibig ng NPA. Ang ganang akin, kung totoo nga ang mga ito, bakit ngayon lang? Noong dekada otsenta (80s) pa namuno ng NPA at posibleng ginawa ni Kintanar ang mga pinaparatang sa kaniya. Ang bagal naman ng sistemang hudisyal nila, kung ganoon: walang pinag-iba sa sistemang hudisyal ng pamahalaan. Bukod doon, ang tatanga naman nila't ginawa nila iyon HABANG may itinatak sa kanilang 'terorista' ng US at EU. Sus, eh di pinatunayan nilang terorista nga sila. Ika nga ni Joy Kintanar na na-double whammy dahil dito(asawa rin siya ng namayapa nang si Edgar "Edjop" Jopson): "Stop playing God!"
Hay nako. Nakaka-dis-ilusyon ang kilusan. Wala na akong balak mamundok. Dito na lang ako sa siyudad. * * * Noong ika-29 ng Enero, sa isang talumpati sa Far Eastern University, inatasan ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Department of Education na ibalik ang Ingles bilang pangunahing wika ng pagtuturo, habang wala pang batas na nagtatakda sa Filipino bilang pangunahing wika ng pagtuturo. Ayon sa Pangulo, "The Filipino’s adeptness in speaking and writing English, his aptitude and skills had given him a competitive edge in information and communications technology. There should be no let-up in further honing the advantage." Ayon din kay Ignacio Bunye, Tagapagsalita ng Pangulo, "The restoration of English as the medium of instruction is a way of preparing the succeeding generations to be globally competitive. The world is our market and in these times of intense competition, we have to make sure that we are not left behind and that language will never be a barrier for us to achieve our goal." Hay nako. Ibig sabihin lang nito, magpapatuloy ang pag-eksport natin ng ating mga kababayan sa ibang bansa. Magpapatuloy din ang pagkapit ng ating ekonomiya sa mga banyagang ekonomiya. Nasaan ang tunay na pag-unlad doon? Mananatiling banyaga, mas madalas na kanluranin pa, ang boss ng mga Pilipino, tulad ng kung paanong nananatiling bosing ng pamahalaan natin ang pamahalaan ng US. * * * Red alert! Sasabog na ang giyera sa pagitan ng US at Iraq! Mag-alsa balutan na tayo't mamundok! (Teka, kakasabi ko lang kanina na wala na akong balak mamundok, diba? Fookien-ankh-inansch na Bush iyan, lahat ng balak ko naaantala!) muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong ika-8 ng Pebrero, bandang 3:30 n.h.. mga komento sa enetation [ ] at sa haloscan [] ___________________________________________________________________________________________________________________________________ pagbabalik ng langaw isyu bilang 7 Sa mga tagasubaybay/mga kaibigang nangawit ang pantog sa kaka-abang sa susunod na isyu ng 'Langaw sa Isang Basong Gatas,' paumanhin. Hindi ko na nasundan ang ikalawang kolum at ikalawang tsapsuy. Huwag ninyo sanang sisihin ang pagpapakasasa ko sa piling ng isang anghel (alam ninyo'ng ibig kong sabihin). Nagkataon lang na natambakan ako ng samu't saring trabaho sa school at sa org... lalo na ang mga trabahong wala sa job description ko. Sa mga nakakaintindi, manahimik na lang. Buti na lang, gumagaan na ulit. Bukod doon, maayos na naman ang documentation ng mga peryodiko ko sa bahay, kaya hindi na ako mahihilo sa kaka-halungkat sa isang bunton ng diyaryo. Abagan ang pagbabalik ng Langaw kung hindi mamayang gabi, well, tinakdaan ko ang sarili ko ng deadline sa Miyerkules. muling dumapo ang langaw sa baso ng gatas noong linggo, ika-2 ng pebrero, 2003, bandang 5:00 n.h.. mga komento sa enetation [ ] at sa haloscan [] ___________________________________________________________________________________________________________________________________ |
si kapi, o si francis capistrano sa tunay na buhay, ay nagnanais maging bangaw tulad ni sokrates. nag-aaral pa rin siya hanggang ngayon (kasalukuyang nasa ikatlong taon) ng kursong ab communication journalism track sa pamantasang ateneo de manila. kasapi rin siya ng matanglawin, ang opisyal na pahayagang filipino ng ateneo, at kasalukuyan siyang puno ng bagwisang sulatin at saliksikan (maaaring maging katumbas ng senior writer). bagamat atenista, kinamumuhian niya ang mga apatetiko at utak-pilantropong mga mag-aaral.
sapagkat ninanais niyang maging mamamahayag sa kinabukasan, sinisimulan na niya ito ngayon sa pamamagitan ng blog na ito: ito ang magsisilbing praktisan niya ng pagsusulat ng mga komentaryo at mga analysis ng mga kasalukuyang kaganapan ngayon. marami sa mga nakakakilala sa kanya ang magsasabing kumikiling siya sa maka-kaliwang ideyolohiya, ngunit kayo na ang bahalang maghusga. sapagkat ninanais din niyang mag-udyok ng pag-iisip sa mga makababasa ng mga sinulat niyang komentaryo at analysis, may paraan upang makasali sa diskurso ang mga bisita ng blog na ito: i-klik lang ang may link na "komento" sa dulo ng bawat paksa. ngunit hindi naman sinasabing puro pulitika na lamang ang laman ng blog na ito: paminsan-minsan, may musika, panitikan, at personal (lalo na ang keso) na matatagpuan dito. magising, at lumahok sa panggigising! listahan ng mga inirerekomendang website: [matanglawin.com] [inq7.net] [bulatlat.com] [ibon facts and figures][free speech television] kapaki-pakinabang din ang [pitas.com] [enetation] [haloscan] [tag-board] [ranchoweb] tingnan ninyo rin ang weblog ni mahal: [bloodsugar] at ng iba ko pang kaibigan: phao:[fallow] keisie:[unfound] jonar:[dagitab] elbert[best viewed...] mga nakaraang isyu: [archive] |
| Serbisyo ng TagBoard Message Board |